Ang Miss World 2021 ay ang ika-70 edisyon ng Miss World pageant, na ginanap sa Coca-Cola Music Hall sa San Juan, Porto Riko noong 16 Marso 2022. Orihinal na nakatakdang gaganapin ang kompetisyon sa José Miguel Agrelot Coliseum noong 16 Disyembre 2021. Gayunpaman, ang kompetisyon ay na-reschedule sa Marso 16, 2022 dahil sa pandemya ng COVID-19 sa Porto Riko. Pagkatapos ng kompetisyon, kinoronahan ni Toni-Ann Singh ng Hamayka si Karolina Bielawska ng Polonya bilang Miss World 2021. Ito ang pangalawang tagumpay ng Polonya sa kasaysayan ng kompetisyon. Nagtapos bilang first runner-up si Shree Saini ng Estados Unidos habang nagtapos bilang second runner-up si Olivia Yacé ng Baybaying Garing. Mga kandidata mula sa siyamnapu't-pitong mga bansa at teritoryo ang lumahok sa kompetisyong ito. Pinangunahan nina Peter Andre at Fernando Allende ang kompetisyon. Nagtanghal sina Don Omar, Gente de Zona, Victor Manuel, Pedro Capo, at ang Filarmonica de Puerto Rico sa edisyong ito.
Developed by StudentB